Sunday, October 20, 2013

Sapantaha







Lahat ng bagay sa mundong ito ay walang kasiguraduhan. Mas marami ang disappointments kesa sa achievements. Ganun ang buhay eh. Parang mermix lang. Hindi sa lahat ng pagkakataon- makulay. Hindi sa lahat ng pagkakataon, rainbow-colored ang paligid. Minsan, mas lumulutang ang kulay black and white o kaya grey. Minsan, kusang nagtatago ang kulay pula, berde, asul at pink. Ganun talaga eh. May mga bagay kang hindi pwedeng baguhin at may mga pangyayaring hindi pwedeng pigilin.



Kagaya nga ng sabi ni Forrest Gump, ang buhay daw parang box ng tsokolate. Hindi mo alam kung ano ang makukuha mo o mapupunta sa’ yo. May pagkakataong tama siya. Pero pwede rin naman na ang buhay parang tsokolate. Minsan kelangan ng pait para masarap kapag nagblend sa matamis. Minsan, may choice kang pumili kung saan ka mag-e-endulge: sa dark o sa white. Anupaman ang choices mo, alam mong sa huli ikaw din naman ang makakalasa nito.


May mga pagkakataong ang pagtingin mo sa buhay ay parang isang bote ng alak. Kapag matino ka pa, ang paningin mo dun ay puno pa. Half-full kumbaga. Pero minsan napapaisip ka ng negatib. Minsan naman kapag may tama ka na, ang paningin mo biglang naging half-empty. Tipong kelangan mo pa ng another shots. At sa bawat pagbabago ng pananaw mo sa buhay, alam mo sa huli na nasa sa’yo pa rin naman ang desisyon kung ano ang gusto mong mangyari. Kung saan ka sasaya doon ka. Nasa sayo yan. Choice mo kung gusto mong maging masaya o gusto mo na lang malungkot panghabang-buhay.

Ang buhay nga minsan ay parang isang napakahabang high-way. May daang liko-liko. May tuwid. May sementado at merong hindi. Marami kang makakasalubong. May ibang hihinto at babatiin ka lang. Sabay aalis din na parang wala lang nangyari. May ibang titigil at ayaw ka ng iwanan. At ang iba naman, nagiging bahagi at parte pa ng byahe mo pero sa isang iglap, iniwan ka na at bumiglang liko. Yung iba, masaya lang sa umpisa pero sa kalagitnaan ng byahe, bigla na ring susuko. At kung sino pa ang taong hindi nangakong sasabayan ka sa byahe, hindi mo man nakasama sa bawat pagsemplang mo, magkikita din pala kayo ulit sa dulo. Yun ang buhay eh. Madalas overdrive.

Minsan naman sinasabi ng iba na ang buhay parang isang laro. Kung sino ang magaling yun ang mananalo. Sa lahat ng laro sa mundo, ang tanging paborito ko ay ang basketball game. Pero hindi ito applicable sa buhay para sakin. Ito ang larong nakakatuliro. Hindi pwedeng erecommend bilang basehan sa buhay. Ang buhay hindi paramihan ng 3 points. Hindi rin yun paramihan ng ”free throw”. Hindi rin pagalingan sa pagrebound at higit sa lahat hindi paramihan ng defensive o offensive fouls. Nakakasakit ka na eh, bakit kelangang pagpatuloy mo pa para manalo sa game. Tipong sa tuwing nakaka-score ka na masaya ka na at kapag nagsawa ka na, the Game is Over. Hindi kelangang ipagmalaki ang pagiging MVP at trophy. Ang importante dun natuto kang tumanggap ng pagkatalo at handang maglaro ng isang malinis na game. Walang dayaan. Walang biased. Walang halong pulitika.




Sa tuwing nakakakita ka ng mga kulisap at paru-paro,  parang ganun ang buhay. Hindi permanente. Sa bawat hello asahan mo ng may nakaambang na Goodbye. Ganun talaga siya eh. Wala ka ng magagawa pa, kung meron man- kelangan maging matibay na lamang ang mga pakpak mo sa paglipad para malampasan ang ulan. Ang importante dun, hindi ka naduwag lumipad at hindi ka natakot masaktan. Sa bandang huli, alam mo sa sarili mo na nagawa mo ang part mo.


Ganun talaga ang buhay eh. Parang roller coaster lang, bigla kang aangat at bigla na lang bababa. Yung tipong nakarating ka sa cloud 9 sa sobrang saya at bigla na lang tipong dinudukot na ang puso mo sa lungkot. Nasa sa’yo pa rin kung sisigaw ka na lang ng malakas o eenjoy mo na lang ang bawat sandali ng pagsakay mo.







 

Pero madalas nga lang parang nananadya ang tadhana. Sa sobrang daming nangyari sa buhay mo, gugustuhin mo na lang na mag-”free fall”...



No comments:

Post a Comment